Isang OFW, ipinakulong ang asawa matapos itong manakit at sirain ang kanyang passport sa NAIA. 

Ayon kay Myren Detaro Onato 31-anyos, ng Roxas City, Capiz hindi siya nagsisisi sa pagpapakulong sa kanyang asawang si Jonard, 34-anyos, dahil ginagawa siya nitong punching bag sa tuwing nakainom dahil sa selos. Aniya, nagbakasyon lang siya sa bansa at paalis na siya patungong Kuwait ng ala-una nang hapon pero nagulat siya nang makita niya ang suspek sa airport.

Bigla umano siya nitong hinablot, binasag ang kanyang cellphone, kinuha at saka pinunit ang kanyang passport at boarding pass.

Sinikap naman siyang tulungan ng mga tauhan ng Aviation Security Unit ng Philippine National Police para makaalis siya sa bansa kahit punit na ang kanyang pasaporte.

Gayunman, naunsyami ang paglipad nito pabalik sa Kuwait dahil hindi maaaring gamitin ang punit na pasaporte at may kaakibat na parusa sa sinuman na sisira sa mga dokumento ng gobyerno tulad ng passport.

Samantala, sinusubukan pang mabawi ang mga bagahe ng OFW sa airline dahil na-icheck-in na ito bago mangyari ang pagpunit ng asawa nito sa kanyang passport at boarding pass.

Editor: Leah So